MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Sun Jan 17 2021
MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Sun Jan 17 2021
MUNTING NAYON
32 years of Community Service
×
Propesor Teodoro A. Agoncillo: Ang Mananalysay


Ni Renato Perdon
Sydney, Australya
November 9, 2014






Naging tagapangulo siya ng kagawaran ng kasaysayan ng UP mula 1963 hanggang 1969 at mula noong 1976 hanggang 1977, hinawakan niya ang Rafael Palma Professorial Chair sa Kasaysayan ng Pilipinas sa UP. Isa siya sa kinilala at binigyan ng titulong propesor ng UP. Nagretiro siya sa pagtuturo noong 9 Nobyembre 1977 sa kanyang 65 taong gulang na kaarawan.

Si Agoncillo, na nakilala kasama ni Claro M. Recto at iba pang haligi ng kilusang makabayan, ay nanguna sa isang uri ng pagsulat ng kasaysayan ng Pilipinas. Siya ay ipinagbunyi sa pagkakalathala ng kanyang Pag-aalsa ng Masa: Ang Kuwento ni Bonifacio at ang Katipunan (Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan) noong 1956. Maliban sa mga gawad, ang aklat ay lumikha ng mga pagtatalo at pumukaw sa damdamin ng mga konserbatibong mananalaysay dahil sa makabayang pananaw na ginamit ni Agoncillo sa pagsulat nito, na ayon sa iba, ito ay may pagkiling sa Marksismo.

Para sa kaniya ang nasyonalismo ay hindi sa pagtangkilik sa sariling atin lamang nauukol, kundi gayon din sa pagpili ng mga taong uugit ng ating pamahalaan, mga taong hindi inaatupag ang sariling kapakanan kundi ang kapakanan ng bayan. Kung mayroon tayong nakikitang mangmang na taong nagbibili ng kanyang karapatan sa murang halaga ay hindi tayo dapat magtaka, sapagkat ang taong iyon ay walang gaanong nalalaman.

Ang mga pagtatalo at pag-uusap tungkol sa pananaw na ginamit ni Agoncillo sa kanyang mga aklat ay nagpatuloy hanggang noong kalagitnaan ng 1980 nang pumayag siyang magpainterbyu kay Ambeth Ocampo. Ang layunin ni Ocampo sa tatlong araw na pakikipag-usap kay Agoncillo ay ang makuha ang malaya at walang kontrol na mga sagot ni Propesor Agoncillo sa mga katanungan niya. Dahil dito pinanatiling buhay ang kanyang matindi, matigas sa sariling paniniwala na punong-puno ng maanghang na pananalita.

Ang ganitong takbo ng pag-iisip ni Agoncillo ay naranasan muli noong magkaroon siya ng Valedictory Address para sa kanyang pagreretiro sa Pamantasan ng Pilipinas. Nang tipunin niya ang mga binasa sa nabanggit na okasyon, gumawa siya ng isang panimula at sinabi niya na ang layunin ng Valedictory Address ay upang muling patamaan ang mga palalong mga namamahala sa Pamantasan ng Pilipinas at pinaghambing niya ang kahusayan ng administrasyon ng Pamantasan ng Pilipinas noong ito ay naroroon pa sa Padre Faura.

Ang mga interbyu na inilathalang muli noong 2011 ay may pamagat na Pag-uusap sa Kasaysayan: Pakikipag-usap kay Teodoro A. Agoncillo (Talking History: Conversations with Teodoro A. Agoncillo) ay masasabing mahalaga sa pag-aaral ng buhay, panahon, at pamana ni Teodoro Agoncillo sa mga Pilipino at sa Pilipinas. Naniniwala siya na ang layunin ng mananalaysay ay ang isulat ang totoong nangyari ayon sa mga dokumento.

Ngunit sa isang pakikipag-usap kay F. Sionel Jose, ang pambansang alagad ng sining sa panitikan, sinabi ni Propesor Jose na may problema ang ganitong paniniwala ni Propesor Agoncillo dahil maraming nangyayari sa bansa ang hindi nakasulat sa dokumento.

Maraming pangyayari sa kasaysayan kaya nabubuhay pa dahil umiikot lamang ito sa pamamagitan ng pag-uusap ng mga tao. Bilang sagot sa tinuran ni F. Sionel Jose, sinabi ni Agoncillo na ito ang nagiging dahilan kung bakit ang trabaho ng isang mananalaysay ay mahirap dahil walang halaga sa mga Pilipino ang kasaysayan.

Noong unang bahagi ng 1950, hiniling niya kay Presidente [Sergio] Osmea na isulat nito ang kanyang talambuhay, lalo na ang mga taon na nasa gobyerno siya dahil napakahalaga ang panahong iyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang sagot ni Presidente Osmea: Kung isusulat ko ang aking talambuhay, marami akong matatapakang paa. Ayon kay Agoncillo ito ang tungkulin ng mananalaysay ang pagsasabi ng tunay na nangyari, kahit na may mga paang matatapakan.

Si Dr. Nicanor Tiongson, propesor ng panitikang Pilipino sa Pamantasan ng Pilipinas ay nagbigay ng kaniyang opinyon sa mga naisulat ni Agoncillo. Ayon kay Dr. Tiongson, ang natatangi at pinakamahusay na kontribusyon ni Agoncillo sa pagsusulat ng Kasaysayan at Panitikan ng Pilipinas, ay ang pagsanibin ang dalawa at ang bunga nito ay isang malinaw na pang-unawa ng mga babasa sa mga bagay na kanyang isinasalaysay.

Ang kanyang katangian bilang mananalaysay at manunulat ay ikinukumpara ng ilang kritiko sa sining kay Balagtas na nagsasabi na: Sa kanyang pagkamanunulat, si Agoncillo ay mahusay na mananalaysay; at sa kanyang pagkamananalaysay mahusay siyang manunulat. Ito ang kadakilaan ni Teodoro A. Agoncillo, ang wika ni Dr. Tiongson.

Ang kanyang mga aklat, ay ang mga sumusunod: Krisis ng Republika (Crisis of the Republic); Ang Makahulugang mga Taon: Bigong Pakikipagsapalaran ng Hapon sa Pilipinas (The Fateful Years: Japans Misadventures in the Philippines); Kasaysayan ng mga Pilipino (History of the Filipino People); Nasyonalismo ng Pilipino, 1971-1972 (Filipino Nationalism, 1971-1972); at Ang Mabigat na Katibayan: Ang Kolaborasyong Vargas-Laurel (The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration), ay naging mga huwaran ng sanggunian ng lahat, lalo na ng mga mag-aaral.

Noong 1963, nahirang siya ni Presidente Diosdado Macapagal na kasapi ng Pambansang Komisyon ng Kasaysayan. Naglingkod siya sa nabanggit na ahensiya hanggang sa kanyang kamatayan sa gulang na 72 taong gulang noong 1985. Naglilingkod pa ako sa Pambansang Komisyon ng Kasaysayan noon nang aking makasama sa trabaho si Propesor Agoncillo.

Siya ang aking naging idolo sa pagtatrabaho sa gobyerno. Siya ang humikayat sa akin na magsulat at magsalin sa Tagalog ng mga nakasulat na dokumento sa Ingles. Sa pamamagitan ng pagtitiwala niya sa aking kakayahan naisalin ko sa Tagalog, kasama si Gng. Avelina Castaeda, ang Historical Calendar, isang aklat ng mga pangyayari sa Pilipinas mula pa nang dumating ang mga Kastila hanggang 1970s.

Hinimay niya ang lahat ng ginawa naming salin sa Tagalog ng aklat at nilinis niya bago ito inilathala noong 1973. Ito ang nagsilbing pintuan para sa akin upang pasukin ang pagsusulat ng kasaysayan hanggang makarating ako at manirahan dito sa Australya.

Ang Pambansang Akademya ng Agham at Teknolohiya na isa siya sa mga naging miyembro mula noong 1980 ay nagbigay din sa kanya ng gawad ng Pambansang Siyentipiko makaraan na siya ay mamatay. Si Propesor Agoncillo ay namatay at naiwan ang kanyang butihing maybahay na si Dr. Anacleta Villacorta (na ilang taon ang nakaraan ay yumao na rin), at ang kanilang tatlong anak, isang babae at dalawang lalaki.

Mula sa Kulturang Pilipino ng awtor, Manila Prints, Sydney, Australia, 2012




See related article:

Historian Agoncillo, on his birth centenary
Tweet

MN