28 years
of
Community Service
MUNTING NAYON
News Magazine
Operated by couple Eddie Flores and Orquidia Valenzuela
News and Views of the
Filipino Community Worldwide
TIERRA ADORADA



Ni Manny G. Asuncion
Melbourne-Australia
June 5, 2014

 
 


Kawit, Cavite Ika 11 ng Hunyo 1898

Mahigpit na kipkip ni Maestro Juan Felipe ang piyesang  yaon habang mabilis nilang binabagtas ni Heneral Trias ang hagdanang patungo sa bulwagan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Sa kanyang isipan ay naglalaro ang malaking pag-aalinlangan kung magugustuhan ng Henral ang martsang obra na pinamagatan niyang Marcha Filipina Magdalo na may ilang gabi rin niyang pinagpuyatan.

Para pang umaalingawngaw pa sa kanyang pandinig ang  paalala ng butihing Heneral sa kanya: “Ang Martsa ay dapat maging marubdob, dakila , marangal at siyang kakatawan sa  dakilang adhikain  ng ating lahi.”

Aba, kay bilis ng pagdaraan ng araw ang naisaloob niya.  Halos isang linggo na pala ang nakaraan nang magtungo siya sa tahanan ni Maximo Inocencio kung saan naroroon ang Heneral (kagagaling lamang ng Heneral mula sa Hongkong at abala sa pagpaplano sa pagpapatuloy ng digmaan katulong ang mga Amerkiano laban sa Espanya).  May dala-dala siyang liham ng rekomendasyon galing kay Heneral Mariano Trias upang ihandog ang kanyang serbisyo sa napipintong digmaan.

Nang malaman ni Heneral Aguinaldo na siya’y piyanista at kompositor, agad-agad siyang inanyayahang patugtugin sa piyano ang isang komposisyong dala-dala ng Heneral mula sa  Hongkong. Ang  komposisyon ay martsang kinatha ng isa ring Filipinong kompositor na kasama ng iba pang rebulosyunaryong nangibang bansa. Subalit nang matapos niyang patugtugin ang naturang piyesa, walang kasiglahang nabakas sa mukha ng Heneral.  

“Maganda ang musika pero hindi ito ang hinahanap ko. Ang ibig ko’y isang musikang magbibigay inspirasyon upang makihamok ang ating mga tauhan sa mga kaaway.”

“Ah, alam ko na po ang nasa isip ninyo,” ang kanyang pakli.

“Maisusulat mo ba ito?”

“Susubukan ko po , Heneral.”

Biglang naputol ang kanyang pagmuni-muni nang marinig niya ang boses ni Heneral Trias. “Andito na tayo, Julian.”

Nakita niyang nasa malaking bulwagan nagpupulong sina Heneral Aguinaldo at iba pang mga  rebolusyunaryo. Pansumandaling naputol ang kanilang pagpupulong nang makita sila.

“Heneral,” ang bungad niya, “tapos na po ang Martsang ipinangako ko sa inyo, nawa’y maibigan po ninyo.”

“Mabuti,” sagot ng Heneral, ” Sige, mangyaring patugtugin mo na.”

Magkahalong pag-aalinlangan at pangamba ang naghari sa kanya habang umuupo siya sa harapan  ng piyano. Magustuhan kaya ito ng Heneral at ng iba pa nitong kasamahan? Ang naisaloob niya habang inaayos ang kanyang piyesa sa ibabaw ng piyano.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya sa kanyang sumisikdong diddib. Malumanay, mahinay at maingat na humabay ang kanyang mga daliri sa  mga tiklado ng piyano. Ang sandali ay tulad ng isang maluwat at walang katapusang panahon. Ang musika’y tila isang dambuhalang along sumaklot sa mapayapang langit ng pagtangis  at pagsalubong sa maalab na araw ng pagkalas sa kadena ng pait, pagdurusa at pagkalugami at sa marubdob na pagnanasa ng sambayanan ng isang matagumpay na kalayaan kahit ito ma’y katumbas ng pagbubuwis ng buhay.

At nang matapos niyang   patugtugunin ang obra, isang masigabong palakpakan ang  inihandog sa kanya ng Heneral at ng mga kasamahan nito.    

“Bravo! Bravo, Maestro! Bukas na bukas din  ang mart sang iyan ang patutugtugin natin sa seremonya sa pagpapahayag ng kalayaan ng Pilipinas! Mabuhay ang Pilipinas!!!”

Isang malalim na bunting hininga ang kumawala sa kanyang dibdib. Waring gumaan ang kanyang pakiramdam. Hindi nasayang ang kanyang pagpupunyagi.

Ilang beses pa nilang hiniling na patugtugin niya ang kanyang obra at sa wakas ay  napagkasunduam  nilang tawagin  ang piyesa bilang Marcha Nacional Filipino. Isang musika ang isinilang sa  araw na iyon na nagpapahiwatig nang maalab na mithiin, marubdob na pangrap at masidhing damdaming makabayan ng lahing Filipino.

Kinabukasan, ika 12 ng Hunyo, 1898 , ang Marcha Nacional Filipino ay opisyal na pinatugtog ng Banda San Francisco de Malabon habang itinataas ang kauna-unahang bandilang  ng Republica ng Filipinas na tinahi nina Ginang Marcela Marino Agoncillo.

BAUTISTA PANGASINAN, AGOSTO 1899

Habang maingay na nagsisipagawitan ang patnugutan ng La Independencia (isang pahayagang rebolusyonaryong pinamamatnugutan ni Antonio Luna) upang palipasin ang  nakababagot na gabi, payapang nagsusulat ang makatang si Jose Palma ng isang  tulang malaon nang naglalaro sa kanyang isipan.

Si Jose Palma ay isang estudyante ng Ateneo na  tumigil sa kanyang pag-aaral para sumapi sa Katipunan. Dahil sa hindi makayanan ng kanyang pangangatawan ang pakikihamok sa larangan, ang kanyang paglilingkod-militar ay nabuhos sa  pagbibigay-sigla sa mga sundalong Katipunero sa pamamagitan ng kanyang pagkatha at pag-awit nang malamyos na Kundiman.

Siya rin ang namahala ng Tagalog na pitak ng La  Independencia.  Nang maalis ang pitak na ito, pumalaot  na rin siya sa pakikihamok. Sumama uli siya sa patnugutan ng La Independencia  noong malipat ito sa Bautista, Pangasinan noong 1899.

Aywan kung bakit di makatkat sa balintataw ang himig ng Marcha Nacional . Marahil dahil sa  lagi itong tinutugtog sa iba’t ibang pagtitipon at kasayahan ng mga Katipunero. Ang paudlot-udlot at hiwa-hiwalay na mga liriko’y parang tuksong  nagsusumayaw at nagsasalimbayan sa kanyang isipan.

Tiera adorada…sus estrellas y su sol…por ti morir…esplenda…y late el poema… kay tamis pakinggan, kay tamis namnamin, subalit kailangang isatitik… isulat malayo… mahirap abutin.

Maraming beses na niyang tinangkang isulat ang  tulang ito subalit ang kanyang pagtatangka’y waring mailap na paru-parong lumilipad, lumalapit, lumlayo  sa kanya. Subalit ngayong gabi, tila ang musa ng panitik at tula’y ngumingiti at umaalalay sa kanya: Tierra adorada / Hija del sol oriente/Su fuego ardiente… patuloy ang huni  ng mga kuliglig na animo’y nakikipaglamay sa kanya.  Nagkapakpak ang kanyang  pluma na animo’y maliksing lumilipad sa papel na pinagsusulatan.

Malalim na ang gabi nang matapos niya ang obra. Ilang ulit din niyang binasa ang tula at pagkatapos, tinawag  niya ang kanyang mga kasamahang sina Cecilio Apostol at Fernando Ma. Guerrero.

“Subukan nating awitin ang tulang ito sa himig ng Marcha Nacional, tignan  natin kung magtutugma sa aking obra!” ang panimula ni Jose habang nahinay na hinihimas-himas ng kanyang mg daliri ang namimigat at nananakit na mga mata. Inawit ng kanyang mga kaibigan ang tulang may pamagat na Filipinas.

FILIPINAS

Tierra adorada,

Hija del sol de oriente,

 Su fuego ardiente

En ti latiendo esta.

Patria de amores,

Del heroismo cuna,

Los invasores

No te halloran jamás.

En tu azul cielo, en tus auras

En tus montes y en tu mar

Esplende y late el poema

De tu amada libertad.

Tu pabellón, que un lides

La victoria illumino,

No vera nunca apagados

Sus estrellas ni su sol.

Tierra de dichas, de sol y amores

En tu regazos vivir,

Es una gloria para tus hijos,

Cuando te ofenden, por ti morir.

 Tugma ang mga titik sa musika ng Marcha Nacional Filipina! Ang liriko ay nailathala sa La Independencia noong ika 3 ng Setyembre 1899. Nang magtago ang patnugutan ng naturang pahayagan sa Camiling,  Tarlac upang iwasan ang paglusob ng puwersang Amerikano, ang kanilang mga pamilya ay naging ugali nang awitin ang martsang ito na kinilala sa tawag na Himno Nacional Filipino o Himno. Inaawit din ito ng mga sundalong Katipunero kung sila’y nasa larangan ng digmaan.

Mga Pagsasalin ng Pambansang Awit  

Noong 1920, isinalin sa Ingles nina  A.L. Lane, isang Amerikano at ni Camilo Osias, ang orihinal na tula ni Jose Palma. Ang pagsasaling ito ang siya namang inaawit sa mga paaralan at sa mga pormal na pagtitipon noong panahon ng Amerikano at unang mga taon ng dekada 50. Narito ang sumusunod na pagsasalin:

Land of the morning

Child of the sun returning.

With favour burning

Thee do our souls adore.

Land dear and holy

Cradle of noble heroes

Ne’er shall invaders

Trample thy sacred shore.

Even within  thy skies and through thy clouds

And o’er the hills and seas

Do we behold the radiance,  feel thy throb

Of glorious liberty.

Thy banner dear to all our hearts

Its sun and stars alight,

Oh, never shall its shining field

Be dimmed by tyrant’s might.

Beautiful land of love, O land of light

In this embrace tis’  rapture to lie

But it is glory ever, when thou art wronged

For us, thy sons to suffer and die.   

Samantala, ayon kay Teodoro Agoncillo at Gregorio Zaide sa kanilang librong Kasayasayan ng Pilipinas, dalawang kilalang manunulat na sina Julian Cruz Balmaceda at Idelfonbso Santos ang nagsalin ng Pambansang Awit sa Tagalog noong 1940.   Narito ang kanilang pagsasalin:

O, sintang lupa, Perlas ng Silangan,

Diwang api kang sa araw nagmula.

Lupoang magiliw, pugad ng kagitingan

Sa manlulupig, may pamuksang handa.

Sa dagat mo’t mga bundok

Sa bughaw mong papawirin

Kumikislap,  pumipitlag

Ang layang di magmamaliw

Watawat mong kung may digma

Sa tagumpay panglaw pa rin

Kailanma’y di maglalamlam

Ang araw niya’t bituin

Sa ligaya’t lupa ng pagsinta

Ay kay tamis nang mabuhay.

Mula naman sa pananaliksik ni Ambeth Ocampo, sinubukan daw ng University of the Philippines na ipakilala sa madla ang salin sa Ingles ni Paz Marquez Benitez  subalit hindi ito naging matagumpay . Ito ang ilan sa mga naisaling berso:

O land beloved/Child of the sunny Orient/

Whose ardent spirit/Ever burns in thy breast .

Samantala,  Ang Pambansang Awit na siyang kinakanta natin ngayon na isinalin naman ng Surian ng Wikang Pambansa ay siyang kinikilalalng opisyal na bersiyon mula pa noong 1958.

Bayang magiliw,

Perlas ng Silanganan

Alab ng puso,

Sa dibdib mo’y buhay.

Lupang Hinirang

Duyan ka ng magiting

Sa manlulupig,

Di ka pasisiil,

Sa dagat at bundok,

Sa simoy at sa langit mong bughaw,

May dilag ang tula,

At awit sa paglayang minamahal.

Ang kislap ng watawat mo’y

Tagumpay na nagniningning,

Ang bituin at araw niya,

Kailanpama’y di magdididlim.

Lupa ng araw ng luwalhati’t  pagsinta,

Buhay ay langit sa piling mo,

Aming  ligaya na pag may mang-aapi,

Ang mamatay ng dahil sa iyo.

Mapapansing  pawang malaya  ang  ginawang pagsasalin ng orihinal na obra ni Jose Palma maging ito man ay sa Tagalog o a Ingles.

Halimbawa, ang unang berso sa Kastila ni Jose Palma ay Tierra Adorada / Hija del sol de oriente/Su fuego ardiente/En ti latiendo esta/   na kung ikukumpara sa Ingles o sa Tagalog na bersyon ay talaga namang ibang–iba.

Pansinin ang Ingles na Pagsasalin: Land of the morning/Child of the sun returning/With  fervor burning/Thee do our souls adore/.  At sa ating kasalukuyang Pambansang Awit naman: Bayang magiliw/Perlas ng silanganan/Alab ng puso sa dibdib mo’y buhay/.

Bakit naging Land of the morning o Bayang magiliw ang Tierra Adorada

Wika nga ni Ambeth Ocampo, isang batikang Filipinong historiador : “ I shudder at the thought of comparing the Spanish poem with numerous translations available.”

Gayunpaman, kahit binago ng ilang manunulat  o tagapag-salin ang orihinal na obra ni Jose Palma , ang diwa, damdamin  at pangarap ng mga Pilipino ay nananatili pa ring nakakintal sa musika at liriko ng ating Pambansang Awit.  

    Write a Comment
    Manny Asuncion
    Sat 7th June 2014
    Melbourne, Australia
    Thanks Eddie.
     
    MoreAng Paglilitis kay Bonifacio
    Manny G. Asuncion

    Aling pag-ibig  pa ang hihigit kaya?
    Sa pagkadalisay at pagkadakila,
    Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? ...
    MorePhilippine Fiesta of Victoria, Australia  elects officers
    Manny G. Asuncion

    The Philippine Fiesta of Victoria Incorporated (PFVI) has elected  its 16 director for two years  on its Annual General Meeting...
     
    MorePASSCI SANTACRUZAN IN NSW-AUSTRALIA
    Linda Alvarez Barnes

    SANTACRUZAN  ORIGIN
    In the year 313 the Roman Emperor Constantine had seen on the eve of a vital battle near Rome a fiery cross bearing the promise “In hoc signosvinces”  “With this sign you will conquer” and when the prophecy proved true, he had by decree ordained CHRISTIANITY to be the religion of the whole Roman Empire. One of the most fateful...
    MoreAGAPI’s Minerva Paguyo: 95 years and counting
    Evelyn A. Opilas

    A smiling, sprite and super-happy Minerva Paguyo celebrated her 95th birthday in advance 5 May so she could share it with family, relatives and friends in Sydney before going to the Philippines and Japan for further festivities....
     
    MoreCultural Diplomacy Awards: Promotion of Philippine history, language and culture in Australia
    Renato Perdon

    Book author and historian, Renato Perdon of Sydney, Australia, was among selected Australians and Filipinos given recognition for...
    MoreMulticultural Working Party meets
    Erich Weller

    Council’s recently formed Multicultural Working Party met for the first time this month allowing representatives of multicultural communities to engage...
    MorePCCF Presents Miss Philippines Canada 2017 and Miss Teen Philippines 2017 Candidates at Pre-Pageant
    Fe Taduran

    TORONTO, Ontario, Canada - The Miss Philippines Canada 2017 and Miss Teen Philippines Canada 2017 candidates, showcased their beauty and...
    MoreAn Affair to Remember Charity Concert
    Richard J Ford

    This is not about an affair we wish to remember from our early elicit love life, but an event that...
    MoreNominations for AABF business excellence awards open
    Evelyn A. Opilas

    The business excellence awards of the Australian Asian Business Federation are officially open, with theme focussing on ‘Unveiling the Best...
     
    More`CON AMOR’ FOUNDATION B0ARD MEMBERS VISIT PROJECTS IN PHILIPPINES
    By: Orquidia. Valenzuela,  as reported by Myrla Danao

    Businessman Jaap van Dijke, chairman and two board members, Myrla Danao and Dr. John Deen of Con Amor foundation in...
    MoreArt Creations
    Vicente Collado Jr.

    Welcome!

    Many believe formal training is a prerequisite to quality in painting. Not a few will agree with me one can...
    MoreTHE CHILDREN IN DON MANUEL GK VILLAGE
    Orquidia Valenzuela Flores

    Sixty-three children from age three to six years, in the very poor community of Don Manuel village in Barangay...
     
    Disclaimer

    Contents posted in this site, muntingnayon.com, are the sole responsibility of the writers and do not reflect the editorial position of or the writers' affiliation with this website, the website owner, the webmaster and Munting Nayon News Magazine.

    This site, muntingnayon.com, the website owner, the webmaster and Munting Nayon News Magazine do not knowingly publish false information and may not be held liable for any direct, indirect, incidental, consequential or punitive damages arising for any reason whatsoever from this website or from any web link used in this site.